Hindi ko lubos maisip na hahantong ako sa panahon kung saan maghahanap ako ng ibang mapaglilibangan. Buti na lamang at hindi pa nglalaro sa aking isipan na umuwi na ng Pilipinas. Siguro dahil na rin sa mapalad ako na makasama ang aking mga magulang, mga kamag-anak sa lugar na ito at isang napakagandang komunidad ng mga kapwa ko Pinoy na ang hangarin ay makpaglingkod sa Diyos. Dahil likas sa akin ang pagiging mausisa, pinatulan ko ang isang imbitasyon na nakapag mulat sa aking isipan sa sitwasyon ng kalidad ng edukasyon sa bansang ito at sa mga Pilipinang walang ibang magawa kundi ang mag sakripisyo alang-alang sa ikagiginhawa ng kalagayan ng kanilang mga naiwan.
Sa Pilipinas, may ekspiryensya na ako bilang isang guro noong mga panahon na ako ay naghahanda para sa serbisyong sibil na pagsusulit. Doon ko unang naranansan makipaghalubilo sa mga banyaga na akala mo kung umasta ay sila ang may-ari ng mundo. Oo at ipinanganak sila na maykaya sa buhay kung ihambing sa mayorya ng ating populasyon ngunit pasalamat lang sila dahil hindi nila nararanasan maghirap. Ngunit sa kabila ng aking pakikipagtalo at pagtataas ng dangal bilang isang Pilipino sa pagpapakita ng ating kagalingan, wari ko'y mas napapansin pa din ng mga dayuhang ito ang mga di kanai-nais na ginagawa ng iba. Nakakalungkot isipin ngunit paano mo nga naman ipapaunawa sa iba na mataas ang dangal ng mga Pilipino kung ang karamihan na naturingan tapos ng Kolehiyo ay walang reklamo sa pagtanggap ng kakarampot na sahod (30 pesos bawat oras) para sa serbisyong mag-turo ng salitang Ingles sa mga dayuhang pilipit ang dila at mas nakakalungkot isipin na ang ibang mga kababaihan ay kusang-loob na binibigay ang kanilang mga sarili sa maling akala na sila ay pananagutan at maaahon sa kahirapan. Mayroon din namang sinuswerte ngunit mas marami pa din ang talo sa bandang huli. Ngunit kung ano ang nakita ko sa Pilipinas ay mas masaklap pala sa bansang ito.
Noong nakalipas na Miyerkules nag-umpisa ang aking munting eksperimento. Inakala ko noong una na kakayanin ko ang munting pagsubok na ito, ngunit hindi pala. Likas ang kalakasan ng aking kalooban sa kahit na anong makabagong pangyayari ngunit hindi ko minithi na ganun ang aking sasapitin.
Aminado ako tinanggap ko ang trabaho na maliit lamang ang aking kikitain dahil para sa akin part-time ito. Ngunit kung iisipin, halos lahat ng nakilala ko na ng tatrabaho doon ay iyon lamang ang kanilang pinagkakakitaan. Kung sa pamantayan ng kabuhayan dito, kulang na kulang iyon sa pangtustos sa araw-araw. Maluwag ang iskedyul ko sa araw na iyon kaya bago mag alas-siyete ng umaga ay naihatid na ako sa munting Nursery. Doon ko nakita kung gaano kabusisi ang mga empleyado sa pagtanggap ng mga bata. Ang Nursery na pinasukan ko sa araw na iyon ay para lamang sa mga anak ng mga lokal na Arabo. Isa-isa nila sinisigurado na walang galos o sakit ang mga ito bago tanggapin sa pamamagitan ng isang hand-held thermometer scanner. Kung sa Pilipinas ihahambing, walang-wala ang pamamaraan na ito.
Habang ako ay nagmamasid, napansin ko na sa bawat batang inihahatid, puro Tatay nila ang kanilang mga kasama. Bibihira akong makakita na kanilang Nanay ang nghahatid. Sa isip siguro dahil madaming gawaing-bahay ang mga Nanay ng bata ngunit sa aking munting obserbasyon, mas magiliw at natural na malambing ang mga Tatay sa kanilang mga anak mapa-lalaki man o babae kung ihahambing sa mga Nanay. May pito o walong Nanay akong napansin na walang ka-amor iwan ang kanilang mga anak na wari ko'y parang mas masaya sila na hindi na nila kasama ang kanilang mga anak. Napagtanto ko din na tama ang aking hinuha ng makakwentuhan ko ang mga kababayan na ngtatrabaho doon.
Doon nalaman ko na dalawa pala kaming baguhan sa araw na iyon. Ako at isang Araba na kung manamit ay tila gigimik sa taas ng kanyang takong at napakakapal na make-up. Pagkatapos ako kausapin ng isang arabang superbisor at itagubilin sakin ang aking magiging klase gaya ng kung sino ang aking makakasama, ikinagalak ko na isang Pinay ang makakatulong ko sa araw na iyon na nangangalang Marlyn. Sa aming pagpapakilala nalaman ko na dati siyang nangamuhan kagaya ng karamihan sa lugar na iyon. Mabait lang daw talaga ang may-aring Arabo na siya ay tanggapin kahit ang bisa na hawak nya ay walang karapatan na magtrabaho sa ganoon na lugar. Ang responsibilidad na sa tingin ko ay madali ay aking ikinabigla ng iharap sa akin ang mga bata na aking tuturuan sa araw na iyon. Kung sa Pilipinas, sa tutorial o nursery man hindi aabot sa sampung bata ang hahawakan mo ngunit sa araw na iyon dalawamput-tatlo ang mga batang aking pangangalagaan.
Bago pa man mag-umpisa ang klase, binanggit na sa akin kung ano-ano ang mga alituntunin na dapat kong tandaan: kung ilan ang kanilang aralin sa araw na iyon, oras ng kanilang pagkain at kung papaano mo sila pakitutunguhan. Noong una mukha lamang madali ang mga binanggit ng aking kasamahan ngunit ng lumipas na ang ilang oras, para bang unti-unti akong nauupos sa aking kinatatayuan. Kabilin-bilinan na dapat ang pamamaraan ng pakikipag-usap ko sa mga bata ay sa salitang Ingles ngunit nakatatawang isipin na kahit anong bigkas ko ng lenguwaheng ito ni hindi ako maintindihan ng mga bata. Buti na lamang at kahit papaano ay may natatandaan na akong mga salitang Arabo at dahil doon ngkaroon kami ng mga bata ng pagkakaintindihan. Likas na bibo at makukulit ang mga batang hinawakan ko at tila nasanay na sila ay sindakin o sigawan, basta huwag lamang pisikal na masasaktan ang bata para lamang mapasunod. Hindi umepekto ang pamamaraan ko na paamuuiin sila dahil ang naging kataga ni Marlyn, iba ang kulturang kinagisnan ng mga batang ito. Nasambit nya din na dapat ako ay maging mas maingat dahil sa oras na magalusan ni katiting sa kahit na anong pamamaraan ang mga batang ito, direktang mababawasan ng mahigit dalawang-libong piso kada galos ang guro na ngbabantay sa araw na iyon at dali-daling kakasuhan ng eskuwelahan. Doon ako nakaramdam ng habag tungo sa mga bata at sa madayang patakaran sa lugar na iyon ngunit ano nga ba ang aking magagawa kundi ang ipagpagpatuloy ang araw na iyon.
Lumipas ang mga oras na wari ko'y ang pinakamabagal na pagtakbo ng oras sa aking buhay. Sa halos anim na oras kong pamamalagi doon, ni hindi kami nabigyan ng kaunting panahon upang makapag-tanghalian. Ni makainom nga ng tubig ay ipinagbabawal sa loob o kahit sa labas ng silid aralan ngunit ikinagulat ko ng makita ko iyong Araba na kasabay ko matanggap ay walang pakundangan ang pagkain sa loob ng kanyang silid-aralan at ng siya'y makita ng superbisor ay nginitian lamang ito ngunit pinagalitan at sinigawan iyong isang kababayan na umiinom lamang ng tubig na dali-daling ng tatakbo habang umiiyak. Ng aking ipahayag ang di makatarungang pangyayari na aking nakita, umiling lamang ang aking kasamahan at tila ba natuwa sa aking walang kabatiran sabay sabing "Araba kasi yan, ganun talaga." Sa kanyang naisambit para bagang siya na mismo ang nagsasabi na iba talaga ang pamamalakad dito ngunit dahil sa matinding pangangailangan walang magagawa ang mga kababayan sa lugar na iyon.
Nang dumating ang oras ng pagtatapos ng klase, lahat ng mga bata na ngaantay sa kani-kanilang mga sundo ay inilagak sa isang malaking silid kasama lahat ng kani-kanilang guro. Doon ko napagtanto kung gaano kadami ang mga bata at kababayan na manggagawa doon. Ngunit ng makita ko iyong kasabayan ko na Arabang guro pumasok sa katabing silid na wari'y may nagaganap na pagpupulong, at ipinahayag sa akin na iyon ay para pag-usapan ang mga susunod na alituntunin, itinanong ko kung bakit hindi kasama ang kalahatan ng mga guro, nasambit lamang sa akin na ang mga Arabo lamang ang may karapatan na makisali sa pagpupulong na iyon dahil ang tingin pa rin pa pala ng mga Arabong ito sa mga gurong Pilipino o Indyan sa luga na iyon ay para lamang katulong na taga-alaga ng mga bata. Doon ako parang nabuhusan ng malamig na tubig sa aking kinatatayuan. Pakiramdam ko lalo akong nahabag sa mga kasamahan ko sa trabaho. Ngunit imbes na negatibong reaksyon ang inaasahan ko na marinig kay Marlyn dahil sa aking naitanong, umiling lamang siya at wari pilit na ako'y ngitian.
Habang nakisabay naman ako sa ibang mga Pilipinang guro sa pag-aantay ng masasakyang bus pabalik sa aking tirahan, anim na beses kaming hinintuhan ng iba't-ibang pribadong sasakyan sabay alok ng libreng sakay. Kung tutuusin dapat susunduin ako ng aking mga magulang sa araw na iyon ngunit ng may makausap ako na Pilipinang sumasakay ng bus pauwi, pilit kong kinumbinsi ang aking Ama na ako ay payagan dahil para sa akin parte ito ng aking eksperimento sa araw na iyon. Ngunit hindi ko inaasahan ng bumaba ang isang Arabo sa kanyang sasakyan habang pinapaalis siya ng isa kong nakasama na bihasa sa salitang arabo ngunit hindi ko lubos maisip ang sumunod na nangyari. Ako ay medyo nagulat dahil habang pilit siyang ng sasalita ng ingles at unti-unting lumapit sa aming kinauupuan, dali-daling itinutok ng isa kong kasamahan ang dala nyang mahabang payong sa Arabo bilang pananggala hanggang sa ito ay lumisan. Sa aking kagalakan, biglang tumawag ang aking Ama upang alamin kung ako ay nakasakay na ngunit imbes na ipagpilitan ko na ako ay sasakay ng bus, sinabi ko na sunduin na lamang nila ako. Nakatutuwang isipin na ni hindi pa ulit humagip sa isipan ko na mgtagal sa ganoong lugar o ipilit ang kagustuhan ko na maranasan sumakay ng bus sa bansang ito.
No comments:
Post a Comment