Sunday, October 23, 2011

Sa Embahada ng Pilipinas

Walang kamatayan ang kwento ng mga Pilipinong hirap sa bansang ito ngunit iba pala kapag ikaw na mismo ang nakakakita at nakakarinig. Una ko itong napagtanto noong umapak ako sa loob ng Embahada ng Pilipinas. Doon habang ako ay pumipila para sa papeles na aking pinaayos, may babaeng lumapit sa akin at humingi ng pansulat. Walang kagatol kong iniabot ang bolpen sa kanya. Akala ko dun na nagtatapos ang aming enkwentro dahil mas nahabag ako nung tinawag niya uli ang aking pansin. May halong pagmamakaawa na siya ay aking tulungan sa isang bagay na wari ko ay siya'y may kaalaman. Doon ko napagtanto na hindi siya marunong magbasa at magsulat! Nagulat ako dahil paano nga naman siya nakarating sa bansang ito kung hindi niya alam isulat ang kanyang pangalan. Sa aming kwentuhan, nalaman ko na siya ay mas bata sa akin ng apat na taon (ako ay bente singko na), panganay sa walong magkakapatid, isa siyang Muslim at galing sa isang liblib na lugar ng South Cotabato. Marunong siyang mag-ingles at may kaunting pamilyaridad sa salitang Arabo, ngunit napagtanto ko na hanggang salita lamang ang kanyang nalalaman. Masaklap din malaman na hindi pala siya nakapagtapos ng Elementarya. Mas lalo akong nahabag noong siya ay tinawag na ng kanyang among lalaki, wari'y minamadali ang kanyang kilos, nagtaas ng boses sa salitang hindi pa masyado pamilyar sa akin at takot uli ang nakita ko sa kanyang mga mata. Noong tinanong ko siya kung alam nya ang tirahan at telepono ng kanyang amo dahil kailangan ito sa mga detalye ng papel na aming nilalagdaan, iling lang ang kanyang itinugon. Nang kami ay matapos, abot-langit ang pasasalamat na pinahayag nya sa akin at iyon na ang huli naming pag-uusapan. Ilang kababaihan din ang humingi ng tulong sa akin sa araw na iyon ngunit hindi ko inakala na halos pare-pareho sila ng sitwasyon noong babae na taga South Cotabato. Halos lahat sila ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral at pare-parehong nangangamuhan sa bansang ito.

Lumipas ang ilang araw habang ako ay nanonood ng isang lokal na edisyon ng balitang Pilipino sa aming tahanan, ikinagulat ko na marinig na lumagpas na sa isang libo ang bilang ng mga kabayayan nating tumakas mula sa kanilang malulupit na amo. Naisip ko tuloy yung mga natulungan ko noong ako ay nasa Embahada. Kabilang kaya ang mga iyon sa napabalita sa telebisyon? Hindi naman sana.

2 comments:

  1. What an interesting experience and story. It is hard to imagine how these people cope up with situation they are in now. even I in my situation struggle in some issues as a foreigner in another country, what more to these unfortunate youngsters :(

    ReplyDelete
  2. Thanks! I was supposed to write that in English but I felt the need to express it in our mother tongue. Although it was really a huge struggle for me to write in that way since the last time I did was back in College 5 years ago I hope I did justice in telling how the event happened. Hehe.

    Yes you're definitely right! Almost everyone I've met has their own horrible stories to tell. I'm not exaggerating but in my 6 months of stay here I actually just had an odd experience lately that I'll be posting later.

    ReplyDelete